
May pagkakataon noon sa buhay ni Mark Anthony Fernandez na nawalan na siya ng
focus sa kanyang showbiz career. Naroong gusto na lang niyang maging P.E.
teacher, may time din noon na gusto niyang maging doctor, na alam niyang
mahirap maabot.
"Magkakatotoo naman lahat ng 'yan sa pag-aartista, kaya
hindi ko na rin kailangang mag-teacher o mapunta pa sa ibang career. Dito rin
naman ako nag-umpisa kaya dapat ay rito na rin ako magtatapos. Ganoon na lang
ang na-realize ko," nangingiting sabi pa ng aktor habang kausap ng PEP
(Philippine Entertainment Portal).
WORKING WITH REGINE. Pagkatapos ng panahon ng
pagkalito, naririto ang pagbangong muli ng isang tunay na artista. Si Mark
Anthony ay unti-unting nabibigyan na naman ng partida ng GMA-7. Pagkatapos na
gumanap bilang major villain sa Kamandag, heto siya at bidang-bida,
bilang leading man ni Regine Velasquez sa Ako si Kim Samsoon.
"Masarap katrabaho si Regine, at tutulungan ka niya,
kung artista ka, na ilabas kung ano yung character mo sa istorya," sabi pa
ni Mark. "She makes me feel na, kailangang galingan naming pareho. Very
professional."
May pagsisisi ba kay Mark dahil ang una raw in-offer sa kanya ay yung sa Dyesebel?
"Hindi ko nga alam na in-offer pala sa akin yun,"
natatawang napapailing si Mark. "Basta ako, kung ano
ang ibigay ng GMA-7 sa akin, alam ko na para sa ikabubuti ko yun, at
hindi nila ako pinababayaan.
"Basta maganda, okey sa akin. Gaya nitong sa amin ni
Regine, noong una, nai-intimidate ako sa kanya. Sobra! Hindi ko pa kasi siya
masyadong nakikilala sa set.
"Lahat na ng takot, naramdaman ko kay Regine. I think,
it's more of hiya than takot. Pero, mabuti na lang, yung EP [executive
producer] namin, binubulungan ako. Isipin ko na lang daw na hindi siya si
Regine Velsasquez.
"Isipin ko lang na siya sa Kim Samsoon, at yun din ang
pinaiintindi ni Direk Dominic Zapata sa akin. Para nga akong nag-workshop uli
with Regine," naikuwento pa ni Mark.
May bagong ikinasisiya si Mark. Si Regine mismo,
guwapung-guwapo ang dating ni Mark sa kanya at tiyak na makatutulong ito sa
itatakbo ng romantic angle nila sa nabanggit na soap.
"Nakatataba ng puso, at lagi ko na lang gagalingan,
para hindi sila mabigo sa akin, lalo na yung mga nagugustuhan ang ginagawa
ko," sabi pa ni Mark.
STILL NOT OK. Ilang linggo pa lamang naililibing ang
yumao niyang amang si Rudy Fernandez. Aminado si Mark na hindi pa talaga okey
ang lahat para sa kanya.
"Pero kailangan, kaming naiwan niya, lumaban na lang
nang todo ngayon," banggit ni Mark.
"Hindi pa talaga okey. Kapag ganoon ang nararamdaman
ko, naglalakad na lang ako. Just do something else. Nagpapaka-busy. Para
ma-focus sa ibang bagay 'yung isip ko," sabi pa niya.
Nagkataon pa na nang lumisan si Daboy, ang panganay niyang
anak ay naka-focus na. Gumagawa na ng mga bagay na muling nagpapatindi sa
dating nito bilang artista.
"Sobra kasing mahal na mahal ko na yung work ko,"
ani Mark. "Lahat ng naipayo sa akin ni Papa, dala-dala ko pa rin at
sinusunod ko.
"With regards to Kim Samsoon, halu-halo ito.
Nakakapag-comedy ako, action, drama. Pero, before, marami na akong nagawang
action at drama. Gusto ko namang gumawa ng comedy at tamang-tama itong bagong
teleserye namin with Regine.
"Pinakamahirap daw gawin na project ang comedy. Gusto
kong i-challenge ang sarili ko. Na-grant naman ng GMA-7 yung wish kong yun,
pinagbigyan nila ako, kaya nasama ako sa project na ito."
Get showbiz news anytime, anywhere on your mobile! Just key in PEP ON and send to 4627. Available to all Sun, Globe, and Smart subscribers.
