
Nagulantang ang mundo ng showbiz ngayong umaga nang lumabas
sa isang tabloid ang balitang naghiwalay na raw ang mag-asawang Kris Aquino at
James Yap. Ayon sa report ni Ambet Nabus sa Bulgar ngayong araw, June 25,
nagsimula raw ang balita sa isang blind item tungkol sa isang mag-asawa na may problema. Kumalat ang naturang balita sa text messages sa pamamagitan ng "K Text," isang
celebrity-based mobile service, kung saan isa sa featured celebrities si Kris.
Ayon sa subscribers ng "K Text," si Kris mismo ang
nagkukuwento ng estado ng kanilang relasyon ni James, kasama na rito ang
papunta sa marriage counseling.
Sa report ni Ambet, sinabi nitong may kinalaman ang
comedienne na si Ai-Ai delas Alas sa balitang paghihiwalay nina Kris at James.
Tinanggap kasi diumano ni Kris ang special guest appearance sa pelikula ni
Ai-Ai nang hindi muna kinokonsulta si James na nauwi sa mainit na pagtatalo.
Ayon naman sa impormasyong nakalap ng PEP (Philippine
Entertainment Portal), nagkaroon nga ng mainitang diskusyon sa pagitan nina Kris at
James dahil nga sa pagpayag ng TV host-actress na lumabas sa pelikula ni Ai-Ai na Ang Tanging Ina Ninyong Lahat.
Matatandaang nagkaroon ng alitan sina James at Ai-Ai noong kasagsagan ng
James-Hope Centeno controversy, kung saan nagbiro si Ai-Ai kay Kris na, "Isoli mo muna si
James sa nanay niya."
Apparently, hanggang ngayon pala ay hindi pa rin napapatawad
ni James si Ai-Ai sa komento niyang iyon, kaya nagalit naman ang Purefoods
player sa asawa niya nang pumayag itong lumabas sa pelikula ng komedyana.
Dahil sa James-Hope controversy ay muntik na ring maghiwalay ang basketbolista at si Kris. Pero pinili nilang ayusin ang kanilang marriage hanggang sa nangyari ang bagong kabanatang ito sa kanilang buhay mag-asawa.
Kuwento naman ng isa pang source ng PEP na malapit kay Kris,
tumagal daw ng ilang linggo ang paghihiwalay ng mag-asawa. Si Kris daw ang umalis sa bahay nila.
Noon nga raw namatay ang aktor na si Rudy Fernandez ay
hindi pa sila nagkakabati. Marami rin ang nakapansin na noong nakaraang
Father's Day, June 15, ay hindi raw naringgan si Kris na binati si James.
Nang mag-celebrate din ang panganay na anak ni Kris na si
Josh (anak ni Kris sa aktor na si Phillip Salvador) sa Discovery Shores sa
Boracay ay hindi nila kasama si James.
Kinumpirma naman kanina ng tumatayong manager ni Kris na si
Boy Abunda na totoong naghiwalay sina Kris at James, pero nilinaw nito na
nagkabalikan na ang mag-asawa.
Ayon sa kuwento ni Boy, ilang linggo lamang ang naging
paghihiwalay nina Kris at James. Pero nagkausap na raw ulit ang mag-asawa at
sinusubukan nilang ayusin ang kanilang relasyon ngayon.
Abangan ang mga karagdagang balita tungkol dito sa mga susunod na artikulo ng PEP.
Get showbiz news anytime, anywhere on your mobile! Just key in PEP ON and send to 4627. Available to all Sun, Globe, and Smart subscribers.
