
For the first time, dalawa ang pelikula ng young actor na si
Carlo Aquino ang kasali sa 2008 Metro Manila Film Festival (MMFF). Kasama siya sa cast ng
sequel ng Ang Tanging Ina na may pamagat na Ang Tanging Ina Ninyong Lahat ng
Star Cinema Productions at nasa cast din siya ng period film na Baler ng Viva
Films.
Ngayon nga lang daw magiging busy ulit sa pagsu-shooting si
Carlo at sana raw ay hindi magsabay para hindi siya malito sa dalawang set.
"Nagsu-shooting na kami for part two ng Ang Tanging Ina.
Yung Baler naman, before matapos yata itong buwan. May script naman na ako kaya
excited ko rin gawin kasi ngayon lang ako gagawa ng period movie.
"'Tsaka first kong makakatrabaho sina Anne Curtis na gaganap
na kapatid ko. Pati na rin si Kuya Ipe [Phillip Salvador], first time ko
makakatrabaho bilang tatay ko sa movie. Si Jericho [Rosales] kasi nakatrabaho
ko na siya before sa Bagong Buwan," lahad ni Carlo sa PEP (Philippine
Entertainment Portal).
Ang huling MMFF movie ni Carlo ay Mano Po 3: My Love kung
saan bida sina Vilma Santos at Christopher de Leon. Si Carlo ang gumanap na batang
Boyet de Leon at si Angelica Panganiban naman ang gumanap na batang Vilma.
Habang wala pang bagong TV show si Carlo sa GMA-7 o ABS-CBN,
kinuha siya para maisama sa bagong show ng TV5 na Rakista. Mula ito sa
direksiyon ni Quark Henares at kasama niya rito sina Denise Laurel, Rhea
Nakpil, Charles Christiansen, at Alchris Galura. Tungkol ito sa pagbuo ng isang
banda at ang mga problemang kinahaharap nila para sumikat.
Natutuwa si Carlo dahil bagay na bagay nga raw ang show sa
kanya. Mahilig kasi sa music si Carlo at sa katunayan, lead vocalist siya ng
kanyang sariling banda na Kollide.
"Huling TV show ko was Maging Akin Ka Lamang sa GMA-7.
Parang tumama sa akin ang show na Rakista sa TV5. Hindi lang siya drama, may
konting comedy at may mga musical numbers kami. Mga original songs ang gamit
namin sa show kaya ibang-iba siya. Iba kasi si Direk Quark makaisip ng
kuwento," sabi ni Carlo.
Dahil sa sobrang busy ngayon ni Carlo, naudlot ang plano
niyang lumipad patungong Amerika para magbakasyon. Balak niya sanang mag-Pasko
sa Amerika, pero hindi raw siya pinayagan ng Viva Artist Agency at ng mommy
niya.
"Plan ko sana na after ng shooting ng two movies ay pumunta
ako ng U.S. para magbakasyon. Pero sabi sa akin ni Tita VR [Veronique del
Rosario], hindi puwede kasi dalawang movies ang ipo-promote ko. Kailangan
kaming sumakay ng float sa parade.
"'Tapos sinegundahan pa ni Mommy. Huwag ko naman daw silang
layasan sa Pasko. Gusto niya na kumpleto kami. Kaya okey lang, wala naman akong
magawa kung sila mommy at Tita V.R. na ang humiling."
Wala raw nililigawan si Carlo ngayon. Set aside daw muna ang
babae dahil marami raw siyang trabaho ngayon at ayaw niyang ma-distract.
Get showbiz news anytime, anywhere on your mobile! Just key in PEP ON and send to 4627. Available to all Sun, Globe, and Smart subscribers.
