
Napuntahan ng PEP
(Philippine Entertainment Portal) ang first taping day ng bagong show nina
Jolina Magdangal at Marvin Agustin sa GMA-7 na may titulong Dear Friend.
Magsisimula na ito sa July 20 bilang kapalit sa afternoon timeslot na iiwan
ng Tasya Fantasya ni Yasmien Kurdi.
Sa isang Italian
restaurant sa The Fort kinunan ang mga eksena nina Jolina at Marvin. Parehong
excited ang dalawa sa muli nilang pagsasama sa isang TV show. Huli silang
napanood na magkasama sa primetime series na I Luv New York at ang month-long
horror-comedy series na Hoo U?
Kauuwi lang ni
Marvin mula sa U.S., kung saan nakasama niya si Katrina Halili na nag-show doon
at nag-promote ng GMA Pinoy TV. Pagdating ni Marvin ay dumiretso siya sa taping
nila ni Jolina.
"Kita n'yo naman
kahit na may jetlag pa ako at nagnu-nosebleed, nandito ako sa first taping day
namin ni Jolens. Ganyan ako ka-excited talaga," ngiti ni Marvin.
Patuloy niya,
"Nakakatuwa kasi nga it's been a long time na hindi kami nagkasama sa isang
TV show, although minsan nagkikita kami sa SOP kapag may mga promo. Pero this
time, magkatabi na naman kami at magkatrabaho na talaga. Hindi nga ba't nandito
na siya sa GMA, sinundan ko pa rin siya. Hindi talaga kami pinaghihiwalay ng
tadhana."
Hindi naman daw
nagdalawang-isip si Jolina na muling makatambal si Marvin sa isang TV show.
Wala raw problema at mabuti na rin yung matagal silang hindi nagkasama agad
after ng dalawang shows.
"Noong sinabi nga sa
akin itong Dear Friend at si Marvin ang makakasama ko, okey sa akin ang
project," ani Jolina. "Yung concept kasi niya, hindi mabigat at tama lang sa
edad naming dalawa ni Marvin. In the past naman, yung mga nagiging shows namin
ni Marvin, hindi rin mabibigat. It's always yung maraming makaka-relate na mga
kabataan sa amin. Kaya itong Dear Friend, marami ulit mga young people, and
even mga mas older pa, ang makaka-relate sa aming dalawa.
LETTER SENDERS. Ang concept ng Dear
Friend ay parang "He Said, She Said." May mga letter sender na may sariling
kuwento sa buhay at magkakaroon ng dramatization. Sina Jolina at Marvin ang
magsisilbing tagabigay ng advice sa letter sender.
Ayon kay Marvin, "May
mga nagtatanong na nga kung ano ba ang credibility namin ni Jolens na magbigay
ng advice. Tama ba na kami ang padalhan nila ng mga problema nila sa buhay? Siguro
naman dahil sa mga pinagdaanan namin ni Jolens na mga problema sa buhay,
masasabi namin na puno na kami ng iba't ibang klaseng experiences at
napagdaanan na namin ang ilang problema ng kabataan ngayon.
"Sariling advice
namin ‘yon na sa tingin namin ay makakatulong sa kanila. Parang payo ng isang kapatid
o kaibigan. Nasa kanila ‘yon kung susundin nila."
Para naman kay
Jolina, ilan sa mga nabasa niyang sulat ay kahawig ng personal experiences niya.
Kung hindi man nangyari sa kanya ay nangyari ito sa isang taong malapit sa
kanya.
"Tulad nga ng pilot
episode namin, tungkol sa teenage pregnancy," sabi ni Jolina. "Obviously, hindi
naman nangyari sa akin ‘yan, pero may kaibigan ako na dumaan sa ganyan. So
naka-relate ako because we were there noong pinroblema niya ‘yon. As a friend,
nagbigay kami ng advice at support.
"Gano'n kami sa show
namin. Nagiging extended family or extended friend kami ng mga taong ito na may
problema sa buhay. Masarap magbigay ng advice lalo na kung mapupunta naman sa
tama ang lahat."
JUST LIKE THE OLD DAYS. Hindi pa rin nagbabago ang pakikitungo nila Jolina at Marvin sa isa't isa. During the taping
ay nandoon pa rin ang biruan at harutan nilang dalawa. Ayon na rin sa kanila ay
na-maintain nila ang kanilang friendship after all these years kahit na may mga
pinagdaanan silang personal problems sa isa't isa.
Kung babalikan ay
noong mid-‘90s sumikat at hirangin na isa sa pinakamalakas na love team ang
Jolina-Marvin team-up sa bakuran ng ABS-CBN. Nagsimula sila sa programang
Gimik at nasundan ito ng mga shows tulad ng ASAP, Esperanza, at Labs Ko Si
Babes. Kumita rin sa takilya ang mga pelikula nilang FLAMES: The Movie, Labs
Kita... Okey Ka Lang?, Kung Ayaw Mo...Huwag Mo, Gimik: The Reunion, at Hey Babe.
Kahit may mga ibang
na-link kina Jolina at Marvin, naging very supportive naman ang bawat isa sa
anumang nangyayari sa personal na buhay nila.
"Ganyan naman kami
ni Marvin, e," sabi ni Jolina. "Kung ano ang nababalitaan namin sa isa't isa,
ginagawa na naming joke ‘yon. Tulad nga niya, ilang beses ko nabasa sa Unang
Hirit ang tungkol sa kanila ni Diana Zubiri. So kapag nagkikita kami, nagiging
running joke ko na sa kanya si Diana at yung bathing suit na iniiwan sa bahay
niya.
"Si Marvin kasi
masyadong mabait ‘yan. Mabilis kasi umakbay sa babae ‘yan kaya natsitsismis
siya. Pero in real life, lambing ni Marvin ‘yon lalo na kung close na kayo sa
isa't isa. Pero kapag tinatanong ko siya regarding kay Diana, ngumingiti lang ‘tapos
sasabihin na friends lang sila. Ano kaya ‘yon? Ang showbiz niya, di ba?" sabay ang
malakas na tawa ni Jolina.
Si Diana ay kasama ni Marvin sa afternoon drama series na Gaano Kadalas ang Minsan.
Wala naman daw
masabi si Marvin sa love life ni Jolina. Maganda nga naman kasi ang relasyon
nito kay Bebong Muñoz kaya tahimik at walang tsismis.
"Yun naman ang hanap
ni Jolens, e," ani Marvin. "Yung almost perfect na relationship. Hindi ko
kayang ibigay sa kanya ‘yon!" sabay ngisi niya.
Dagdag niya, "Pareho kasi kaming nasa showbiz
kaya magugulo lang kami talaga ng mga intriga. It's good na she found a good
man in Bebong at hanga ako sa matatag na foundation ng relationship nila. I
always wish Jolens the best sa mga nangyayari sa kanya. Isa nga itong
relationship niya with Bebong na magandang nangyari sa kanya."
Get showbiz news anytime, anywhere on your mobile! Just key in PEP ON and send to 4627. Available to all Sun, Globe, and Smart subscribers.
