
Dapat ay tularan ng ibang contract stars ng GMA-7 si Katrina Halili. Hindi ito
ipokritang inamin sa amin na may pagkakataong halos anim na buwang walang
ibinibigay na matinong assignment ang GMA-7 sa kanya
noon, pero mas nanaisin daw niyang bumalik na lang sa Palawan, kaysa magbantang
lumipat sa ABS-CBN.
"Binibigyan ko pa rin ng priority ang
GMA-7 dahil kahit ganoon ang sitwasyon ko noon, hindi ko masasabing totally ay
pinabayaan na lang nila ako. Iniisip ko na lang na darating din yung time ko,
pero hindi mo maiaalis sa akin ang mag-isip,despite my loyalty, siyempre, bakit
parang walang pinupuntahan?
"Hindi naman puwedeng nagtatagal ka sa
sitwasyong walang growth sa career, di ba? Pero, hindi ako nag-expect ng kung
anu-ano. Kasi, hindi naman mataas ang ambisyon ko, sa totoo lang. Kung ano ang ibibigay sa akin ng GMA, at kung hindi na nila
ako papansinin, babalik na lang talaga ako sa Palawan," sabi pa ni Katrina
nang pasyalan ng PEP (Philippine Entertainment Portal) kahapon, August 15, sa
Mt. Carmel Church, Quezon City, para sa ilang huling eksenang kukunan sa
pagtatapos ng Magdusa Ka.
Pero hindi ganoon ang nangyari. In a
suddent twist of fate, gumanda ang takbo ng lahat sa career ni Katrina. Pagkatapos
na mapansin bilang kontrabida ni Marian Rivera sa
Marimar noon, pinagkatiwalaan na siya
ng GMA-7 para magbida sa afternoon teleseryeng Magdusa Ka.
"Nang maramdaman kong buo ang tiwala
ng GMA-7 sa akin, nag-focus talaga ako, to the point na hindi ko masyadong
binibigyan ng pansin ang love life. Wala munang ganyan. Happy na ako na may
friends na nagte-text-text," sambit pa ni Katrina.
PROJECTS. Definitely, mas gumaganda ang career ni Katrina sa ngayon dahil
hindi lang siya pang-TV. Two weeks na lang at matatapos na ang pagsasaere ng Magdusa Ka, nakatakdang siya uli ang
maging leading lady ni Dennis Trillo sa Gagambino.
"Kasama ako sa One Night Only ng OctoArts, at hindi totoong ako ang bidang-bida sa
project na 'yan dahil marami kaming magkakasama. Nagkausap na kami ni Angelica
[Panganiban] at ready na kaming magtrabaho para riyan. Marami pa kaming ibang
kasama sa cast.
"May pagka-liberated ako sa istorya,
tipong may sugar daddy. Tipong makulit ako riyan. Iba-ibang istorya ng mga
babae. So, kailangang marami kami.
"Ganoon din sa Sundo, na kasama ko si Robin Padilla.
Again, hindi ako ang solong leading lady riyan. Nariyan sina Rhian Ramos at Sunshine Dizon.
Kaya lang si Rhian, ang role niya, sister ni Robin, iba rin ang role ni
Sunshine. Parang masasabit lang ako sa istorya at magkakaroon kami ng romantic
involvement ni Robin diyan.
"'Yung takbo ng istorya, parang nasabit
nga lang ako, tipong sa Final Destination.
Sa story, nagpapa-cute ako kay Robin," naikuwento na lang ni Katrina.
WORKS
ABROAD. Mahihinto muna ang lahat ng aktibidades ni
Katrina dahil nakatakda siyang lumipad patungong States for a series of events.
Personal raket daw niya yun.
"Hindi na nga ako natutulog dahil
dire-diretso ang shooting. Kapag ganyang aalis ako, nagkakadikit-dikit at
nagpapatung-patong na ang schedule," napapailing na sabi pa ni Katrina.
"For two weeks akong mawawala. Talagang
tinapos ko na lang itong Magdusa Ka.
Pupunta ako sa San Diego, San Francisco, Las Vegas, at mayroon pang isang hindi
ko matandaan, pero apat na cities 'yan, e.
"Magpe-personal appearance ako,
kakanta, autograph signing, mga ganoon. Bale third time ko na ito sa U.S. Noong
June, first time, nagpunta ako sa New Jersey. 'Tapos, July, sa Virginia na.
"Baka sa October, mag-Dubai ako.
Magsu-shoot ako ng Miss X sa Europe
naman. Then, December, sa Los Angeles. Para akong balikbayan," natatawang
sambit ni Katrina.
NO
EXPECTATIONS. Ito nga ang maganda kay Katrina, wala
siyang expectations. Sinasamantala na lang niya ang opportunities.
"Sa rami ng ginagawa ko rito,
nakakapag-abroad pa ako for work pa rin. Sabi ko nga, gagawin ko na lang lahat
ito, habang nariyan. At least, kung wala na, nagawa ko na ang lahat.
Na-maximize ko na," aniya pa.
Yun lang ang attitude niya na dapat ay
tularan ng ibang nag-iinarteng nagbabantang lumipat sa kabilang network kapag
hindi nakukuha kung ano ang gusto.
"Ganoon kasi ako, kung darating, e, di
darating," aniya pa. "Bakit pipilitin kung hindi naman mangyayari? Kung
ano ang ibinigay sa akin, yun na yun.
"Darating at darating, kahit hindi ko
hingin. Itong nangyayari sa buhay ko, hindi ko naman in-expect talaga. Kaya
happy ako. Kasi, kung nag-expect ka at hindi natupad, frustrated ka, sasama ang
loob mo. E, kung hindi, kung ano ang magandang dumating diyan, magiging happy
ka at thankful.
"Mas maganda ang feeling nang hindi ka
nangarap, 'tapos, ibinibigay sa 'yo," pagwawakas na lang ni Katrina.
Get showbiz news anytime, anywhere on your mobile! Just key in PEP ON and send to 4627. Available to all Sun, Globe, and Smart subscribers.
